Pinangangambahang magmamahal pa ang mga matamis na pagkain sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal.
Sa datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA), aabot na sa 115 pesos ang presyo ng refined sugar sa mga pamilihan, lalo sa Metro Manila.
Ito na ang ikatlong sunod na linggong nasa 100 peso per kilo level ang presyo ng nasabing produkto kumpara sa 89 hanggang 95 pesos per kilo noong unang linggo ng hulyo.
Dahil dito, pinayuhan ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Monetary Board Member Bruce Tolentino ang publiko na dapat maghanda sa mas mahal na sweet food products.
Ayon kay Tolentino, dating Undersecretary ng Agriculture, matagal nang mataas ang presyo ng asukal pero lalo pa itong nagmahal kumpara sa ating mga karatig bansa, gaya ng Vietnam at Thailand.
Inihayag naman ni Roehlano Briones, Senior Research Fellow sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na ang presyo ng asukal sa Pilipinas na ang pangalawang pinaka-mahal na sweetener sa mundo, matapos ang Oman.