Posibleng pumalo sa 19 na libo kada araw ang COVID-19 case sa katapusan ng Agosto.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nagpapakita ng continuous uptrend o tuloy-tuloy na pagtaas ng kaso na posibleng umabot sa 19,306 kada araw sa bansa.
Samantala, ayon sa kagawaran, maaaring bumagal at mas makontrol ang pagsirit ng mga kaso kung madaragdagan ang bilang ng mga magpapaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Dagdag ng DOH, kung mangyayari ito, ang nasabing bilang ng impeksyon ay bababa sa 6,194 hanggang 8,346 kaso kada araw sa nasabing panahon.
Ipinunto ng DOH na maliban sa potensyal na pagtaas ng kaso, mahalaga rin ang pag-monitor sa hospitalization rates at admissions ng bansa.