Mariing inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito sa Northern Luzon na tumulong sa road clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Local Government Units (LGUs).
Ayon kay Police Officer in Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., ito’y para hindi maabala ang mga sasakyan na maghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng malakas na lindol kahapon.
Ayon kay Danao, may kautusan na siya kay PNP Area Police Commander for Northern Luzon Police Lieutenant General Rodolfo Azurin Jr. na pakilusin ang Regional Mobile Force Battalions at Provincial Mobile Force companies para sa road-clearing at disaster response operations.
Samantala, pinagana ng PNP ang kanilang National Disaster Operation Center sa Command Center sa Camp Crame.
Ani Danao, ito ang magko-coordinate ng lahat ng disaster response operations ng mga PNP units sa mga lugar na apektado ng lindol. – sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)