Maglalaan ng 20 milyong piso na support at assistance fund ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFW) na naapektuhan ng tumamang malakas na lindol sa Northern Luzon.
Sinabi ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople na inisyal na alokasyon pa lamang ito upang matulungan ang mga pamilya ng OFWs.
Maliban dito, ipinag-utos na rin ng kalihim sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maghatid ng iba pang assistance.
Sa ngayon, hinihintay pa ng DMW ang damage assessment report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para madetermina ang mga rehiyon na pinakaapektado upang maisaprayoridad ito.
Samantala, hinihikayat ng kalihim ang mga apektadong pamilya ng OFWs na mag-apply sa DMW financial assistance sa pinakamalapit na OWWA office sa kanilang rehiyon.