Bibigyang pagkilala at papuri ng Kamara ang Pinoy pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena.
Kasunod ito ng pagkapanalo ni Obiena ng bronze medal sa 2022 World Athletics Championships at pag-angat sa 3rd ranking sa world rankings for pole vault.
Sa resolusyon inihain sa mababang kapulungan ni Manila 2nd District Rolando Valeriano, malaking karangalan ang ibinigay ni Obiena na kauna-unahang Pilipino at asyano na naka-sungkit ng medalya sa pinaka prestihiyosong kompetisyon.
Ayon kay Valeriano, hindi lamang inspirasyon si Obiena sa mga kabataan kundi maging sa lahat ng Pilipino dahil sa pagiging mahusay na atleta at pagkakaroon ng compassion o awa sa iba.
Matatandaang inihayag ng Pinoy vaulter na kanyang ido-donate ang makukuhang insentibo sa kapwa atleta at tinaguriang Asia’s Fastest Woman na si Lydia de Vega-Mercado na kasalukuyang nakikipaglaban ngayon sa Stage 4 Cancer.