Wala pang eksaktong petsa na inilalabas ang Philippine National Police (PNP) para sa schedule ng assumption ng kanilang bagong Hepe.
Ito’y matapos ianunsyo kahapon ng Malakanyang na si Northern Luzon Police Area Commander Police Lieutenant General Rodolfo Azurin Jr. ang tatayong bagong PNP Chief sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, naka-depende ang schedule ng assumption sa schedule ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pangulo kasi ang magiging guest of honor at mangunguna sa seremonya sa pagpapalit ng pinuno ng PNP.
Gayunman, pagdating sa paghahanda, sinabi ni Fajardo na “fine tuning” na lang ang kanilang gagawin dahil may programa na rito.
Oras na pormal na umupo, si Azurin ang magiging ika-28 PNP Chief. – sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)