Tumungtong na sa mahigit 100 pesos ang kada kilo ng puting asukal sa ilang supermarket dahil umano sa kakulangan ng supply.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa ilang supermarket sa Metro Manila kahapon, nasa 100 hanggang 105 pesos na ang kada kilo ng refined sugar o primera habang 75 hanggang 80 pesos ang brown o segunda.
Gayunman, hindi pa umaabot sa 100 pesos ang primera habang nasa 60 hanggang 70 pesos naman ang kada kilo ng segunda sa ibang supermarket habang aabot sa 90 pesos ang kada kilo ng primera at 70 pesos ang segunda sa palengke.
Aminado si Philippine Amalgamated Supermarkets Association, Incorporated President Steven Cua na sadyang hindi nagbibigay ang mga supplier ng rason nila sa pagtataas ng presyo.
Inihayag naman ng Sugar Regulatory Administration na hanggang August 19 na lang ang supply ng asukal pero may parating naman na mula Negros habang inaayos na ang importasyon ng asukal sa mga susunod na linggo.
Ayon kay SRA Adminstrator Hermenegildo Serafica, kailangang mag-angkat alinsunod sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos dahil naapektuhan ng Bagyong Odette ang mga sugar mill kaya’t humina ang produksiyon.
Samantala, umapela naman si Serafica sa mga consumer na iwasang mag-panic buying ng asukal.