Nakatakda na namang magpatupad ng price adjustment sa tinapay.
Ito, ayon kay Asosasyon ng Panaderong Pilipino Director Jam Mauleon, ay dahil sa pagtaas ng presyo ng asukal.
Isa anya sa mga negosyong sapul ng price increase ang mga panadero na gumagamit na asukal sa halos lahat ng klase ng tinapay.
Ipinaliwanag ni Mauleon na kailangan nilang magpatupad ng adjustment upang “maka-survive” ang kanilang hanapbuhay.
Maliban sa asukal, nag-abiso na rin ng dagdag-presyo sa supermarkets ang mga manufacturer ng 28 produkto kahit hindi naman umano ito basic goods.
Inihayag naman ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na malapit nang desisyunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na increase ng sangkaterbang basic goods na noong nakaraang administrasyon pa humihiling.
Tiniyak ni Castelo na sakaling payagan ng DTI, hindi naman anya sobra-sobra ang magiging dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin.