Binigyang diin ng Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) na hindi kakayanin ng lahat ng employer na magkaloob ng 14th Month Pay sa kanilang mga empleyado.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis na hindi makatotohanan ang naturang panukala at mahihirapan lamang ang bansa partikular ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Paliwanag pa ni Ortiz-Luis, na kung maisasabatas ang naturang panukala ay posibleng bawiin naman ito ng mga negosyante sa kanilang mga ibinebentang produkto na magiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Matatandaang inihain ni Kabayan Party-List Rep. Ron Salo ang House Bill 520, na layong mabigyan ng 14th Month Pay ang mga empleyado sa gobyerno o pribadong sektor, anuman ang employment status.