Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTR) ang dalawang opsyon upang hindi tuluyang maunsyami ang tatlong malalaking railway projects na paglalaanan ng pondo ng China na hindi pa rin naisasagawa dahil sa hindi nalalagdaang loan agreement.
Ayon kay DOTR Undersecretary Timothy Batan, isa sa kanilang opsyon ang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa Chinese counterpart ng bansa nang sa gayon ay malaman kung nais pa nilang maisakatuparan ang mga proyektong ito.
Pangalawa aniya sa kanilang tinitingnan, ang posibleng pakikipag-usap sa pribadong sektor upang mapondohan ang tatlong railway projects.
Pahayag ni Batan, nakabase ang kanilang hakbang sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituloy ang mga hindi natapos na transportation projects na naumpisahan ng nakalipas na Duterte administration.
Kinabibilangan ang tatlong proyektong ito ng Mindanao Railway Project, Subic-Clark Railway Project, at Philippine National Railway (PNR) South Long-Haul Project.