Nilinaw ng Malacanang na hindi binago ng administrasyong Marcos ang anomang polisiyang itinatag na mayroong kinalaman sa One-China Principle.
Ito ang idiniin ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, kasunod ng inilabas na statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatili pa rin ang pagtalima ng Pilipinas sa binuong polisiya.
Nabatid na sa ilalim ng polisiya, kinikilala ng beijing ang taiwan bilang bahagi ng kanilang teritoryo, sa kabila ng paninindigan ng taiwan sa pagiging self-governing entity nito.
Matatandaang muling nagkaroon ng tensiyon makaraang bumisita si United States House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan kung saan, dinedma ng U.S ang naging banta ng China na posibleng lumala ang tensiyon kung bibisita si Pelosi sa Taiwan.
Kaugnay nito, nangangamba ang pamahalaan sa posibleng paglala pa ng tension sa Taiwan strait na hilagang bahagi din ng Pilipinas.
Dahil dito, hinikayat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng partido na magpatupad ng restraint o kontrolin, at pairalin pa rin ang diplomasya at pakikipagdayalogo sa mga bansa.