Pumalo na sa 1.25 million pesos ang halaga ng pinsala sa agrikultura ng smog na ibinubuga ng Bulkang Taal, sa Batangas.
Ayon kay Batangas Provincial Agriculture Office Head Rodrigo Bautista, nagmula pa lamang ang halaga sa mga bayan ng Laurel at Lian.
Wala pang natanggap na ulat ang opisyal mula sa bayan ng Agoncillo at Talisay na naapektuhan din ng volcanic smog.
Ang volcanic smog ay galing sa ibinubugang sulfur dioxide o asupre ng bulkan.
Maliban sa smog, apektado rin ng mabahong asupre ang ilang lugar sa bayan ng Agoncillo, Laurel sa Batangas at Tagaytay City, Cavite.
Nakataas pa rin ang alert level 1 sa Bulkang Taal kaya mayroon pa ring abnormal activity sa bulkan.