Naniniwala ang isang opisyal ng National Security Council (NSC) na hindi pa gaanong naka-babahala ang umiinit na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Ipinaliwanag ni NSC Deputy Director General Michael Eric Castillo na noon pa naman may word war ang Taiwan at China at madalas ding nagsasagawa ng mga military exercises ang dalawang bansa.
Gayunman, nito lamang anyang Martes lalong uminit ang sitwasyon nang bumisita sa Taipei si US House Speaker Nancy Pelosi na nag-udyok sa China na muling maglunsad ng live firing drills sa Strait of Taiwan.
Sa panayam ng DWIZ kay Castillo, inihayag nitong kung mayroon mang dapat ika-alarma ang Pilipinas, ito ay ang kaligtasan ng nasa 200,000 OFW sa Taiwan na maaaring maipit sa gulo.
Sakali namang sumiklab ang armed confrontation, tanging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) anya ang makapaglalatag ng contigency plan, lalo’t napakalapit ng Pilipinas sa Taiwan.
Kumbinsido rin si Castillo na malabong simulan ng China ang isang armed conflict sa US dahil lamang sa issue ng Taiwan na matagal ng gustong bawiin ng Chinese Government.
Tila hindi rin anya interesado ang Amerika na tangkaing makipag-giyera sa Tsina dahil tiyak na maka-aapekto ito sa ekonomiya ng mundo, lalo’t sa Taiwan nagmumula ang 77% ng mga semi-conductor sa mundo.