Sinimulan na ng China ang kanilang pinaka-malaking military exercises, bilang pagpapakita ng pwersa matapos ang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.
Nagpalipad ng mga long-range ballistic missile at nagdeploy ng mga fighter jet at warships ang China sa Strait of Taiwan, ilang minuto matapos umalis ng Taiwan si Pelosi, kahapon.
Kinumpirma ng Taiwan Defense Ministry na 11 missiles ang bumagsak malapit sa kanilang karagatan o sa Strait of Taiwan.
Bukod sa mga barkong pandigma, nagdeploy din ang Taiwan ng mga fighter jets at missile defense system bilang tugon.
Samantala, nagbagsakan ang ibang missile sa karagatang malapit sa Okinawa Islands, maging sa Senkaku Islands na pinag-aagawan ng Japan at China.
Agad namang iprinostesta ng Japan ang naging aksyon ng China at inalerto na ang kanilang Self-Defense Force lalo’t inaasahang tatagal ang military drills ng People’s Liberation Army hanggang Linggo.