Umakyat na sa 11 ang bilang ng mga naiulat na nasawi dahil sa magnitude 7 na lindol sa Abra.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang latest fatality ay mula sa Tubo, Abra.
Naitala naman ang 410 na napaulat na nasugatan matapos ang malakas na pagyanig.
Aabot sa kabuuang 448,990 indibidwal o 119,730 mga pamilya ang naapektuhan ng lindol mula sa 1,188 na mga barangay sa Ilocos Region, Cagayan Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nasa 30,285 na mga kabahayan ang nawasak kung saan 29,720 ang bahagyang napinsala habang 565 naman ang totally damaged sa nabanggit na mga rehiyon.
Iniulat ng Department of Agriculture na pumalo na sa P33,227,895 ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Cordillera habang iniulat ng National Irrigation Administration (NIA) ang 22.7 million pesos na pinsala sa Ilocos at Cordillera.
Pagdating sa imprastraktura, sinabi ng NDRRMC na tinatayang nasa P1,342,438,371 na ang halaga ng pinsalang idinulot ng lindol sa Ilocos, Cagayan, at CAR.