Paiigtingin ng Philippine Navy at Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa karagatan para maiwasan ang pagpasok ng mga kontrabando sa Pilipinas.
Ayon kay Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr., dapat na mabigyan ng karampatang parusa o tanggalan ng mga lisensya ang mga sasakyang pandagat na mapapatunayang sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Azurin, karamihan sa pumapasok na narcotics ay dumadaan sa karagatan ng bansa.
Sinabi pa ni Azurin na kulang o hindi sapat ang mga tauhang nagbabantay sa mga border control and security kaya madaling nakakapasok ang mga iligal na kontrabando sa Pilipinas.
Iginiit pa ni Azurin na ang Pilipinas mismo ang nagsisilbing market o transshipment point para sa iligal na droga mula sa ibang mga bansa.
Sa ngayon, plano ng PNP na makipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno para pag usapan ang naturang isyu.
Nangako naman ang PNP na kanilang palalakasin ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Customs (BOC), at iba pang ahensya ng gobyerno para tulungan ang pamahalaan sa pagsusulong ng war on drugs.
Nangako din Azurin na kanilang ipagpapatuloy ang mga operasyon para sa pagpapatuloy ng laban kontra iligal na droga, mga terorista, terorismo, human trafficking, kidnapping for ransom, at iba pang krimen sa bansa.