Nasakote ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police o PNP ang dalawang dating pulis na wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa magkahiwalay na operasyon sa Pangasinan at Rizal.
Ayon kay Brig. Gen. Samuel Nacion, hepe ng Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG, nagkasa ng search warrant operation ang kanilang yunit kasama ang local police kaya’t naaresto si retired Patrolman Ephraim Ferrer Jr. sa Barangay Sta. Ana sa Taytay.
Sangkot umano si Ferrer sa kalakalan ng iligal na droga, protektor ng mga drug personalities, carnapping, gun running at nagdadala pa ng hindi lisensiyadong baril.
Sa isa pang operasyon, naaresto naman si SPO1 Armando Junio Jr. sa Barangay Tambac, Bayambang, Pangasinan sa bisa ng search warrant kung saan nasabat mula rito ang isang .45 caliber pistol at ilang piraso ng mga bala.
Pahayag ni Nacion, ang iba’t ibang operasyon laban sa mga dating pulis ay bahagi pa rin ng internal cleansing program ng PNP.