Nadakip ng mga pulis sa Tarlac City ang isang tatlumpu’t isang taong gulang na babae na hinihinalang sangkot sa ‘package delivery scam’ na ginagawa sa pamamagitan ng social media.
Kinilala ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, Officer-in-Charge ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group o PNP-ACG, ang suspek na si Marijoe Coquia, residente ng Pangasinan.
Si Coquia ay naaresto sa entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Cyber Financial Crime Unit at Tarlac Provincial Crime Response Team habang nagki-claim ng pera sa isang remittance center na umano’y pinadala ng kanyang biktima.
Sa reklamo ng complainant, gumagamit si Coquia ng pangalan na “Grace Anderson” sa Facebook at nagpapanggap bilang opisyal ng United States Army na nakabase sa Syria.
Nag-imbento ito ng kwento at sinabihan ang complainant na magpapadala ito ng kargamento sa kanya na may kasamang cash na nagkakahalaga ng 94 million pesos kung saan kailangan umanong magpadala ng biktima ng 110,000 pesos na pambayad sa customs fees.
Matapos magbigay ng pera ay walang natanggap ang biktima kaya’t nagpasaklolo na ito sa mga pulis.