Pinag-aaralan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang posibilidad nang pagtatayo ng Modular Nuclear Power Plants sa bansa, na tinitingnan bilang future energy source.
Ibinunyag ito ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez makaraang mag-alok ang Estados Unidos ng mga planta ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Romualdez, seryoso nang ikinu-kunsidera ang nasabing hakbang at “excited” na si Pangulong Marcos sa plano.
Sa katunayan anya ay pina-plantsa na ang partnership ng isang local energy company sa Pilipinas sa Nuscale, ang American Firm na nag-de-develop ng modular nuclear power technology.
Umaasa si Romualdez na makakaharap ni PBBM ang mga opisyal ng Nuscale sa sandaling bumisita sa Estados Unidos.
Mas mura, ligtas, madali ang maintenance at hindi hamak anyang mas maliit ang mga modular nuclear power plant kumpara sa mga conventional na planta gaya sa Bataan.
Samantala, nilinaw ng embahador na ang planong paglalagay ng mga mas maliit na planta ay hindi bahagi ng pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant.