Tuluy-tuloy ang paglubog ng lupa sa isang sitio sa Sadanga, Mountain Province mahigit isang linggo matapos ang magnitude 7 na lindol sa Luzon.
Ipinabatid ng Sadanga Social Welfare and Development Office na isang metro kada araw ang ibinababa ng lupa sa Sitio Tatabra-An sa Barangay Sacasacan simula pa nitong nakalipas na August 4.
Dahil dito, limang bahay na ang inirekomenda ng nasabing tanggapan na kailangang abandonahin, anim na nanganganib gumuho, at apat na kamalig ang hindi magamit dulot ng mga bitak sa kinatitirikang lote.
Lumubog din ang ilang bahagi ng Tekan Road na nagkabitak bitak na rin kaya hindi na madaanan.
Napinsala rin ang water system sa Barangay Poblacion dahil sa pagguho ng lupa.