Nananawagan ang mga producer ng baboy at manok sa gobyerno na balansehin ang pagpapaigting ng lokal na produksyon at importasyon ng mga suplay para matiyak na hindi maaapektuhan ang mga stakeholder sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay National Federation of Hog Farmers Incorporated President Chester Tan, sa kanilang pagpupulong kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay napagsang-ayunan nito na mag-organisa ng isang grupo kasama ang Department of Agriculture at private sektor para talakayin ang demand at suplay ng nasabing produkto.
Paliwanag niya, hindi tutol ang kanilang grupo sa pag-aangkat ngunit dapat aniyang maging makatwiran ang dami nito para magbigay daan sa mga magsasaka na kumita pa rin.
Giit naman ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) na ang pagbaba ng mga taripa at pagtaas ng import volume para sa iba’t ibang mga bilihin ay dapat magpababa ng mga presyo at makapagpabagal sa inflation.