Arestado ang siyam na indibidwal makaraang magsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa Barangay Guitnang Bayan II, Antipolo Rizal.
Aabot sa mahigit P403, 000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga Anti-Narcotics agents mula sa mga drug suspect sa dalawang operasyon na ikinasa nito lamang sabado at linggo.
Kinilala ang mga suspek na sina Reden Delas Armas; Catherine Niegas; Benjie Poliquit; Armin Diaz; at Bernie Doria na nahuling nagbebenta ng shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang 15 plastic sachet ng shabu na may timbang na aabot sa 50 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P340, 000.
Ayon sa mga otoridad, si Delas Armas ay miyembro umano ng isang Criminal Syndicate at kasama rin sa Drug watch list ng PNP bilang isang High-Value Individual (HVI).
Samantala, arestado din sa isang operasyon ang suspek na sina Charlie Estabilla; Romeo Dominador; Richard Saysay; at Rickrod Gegania sa Barangay Sta. Cruz na nakuhanan naman ng 15 gramo ng methamphetamine na tinatayang nagkakahalaga ng P103, 500.
Nakakulong na ngayon ang mga suspek at nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.