Nabawasan ang bilang ng populasyon ng mga bata sa bansa sa nakalipas na dalawang dekada sa gitna ng mababang “fertility level”.
Ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM), patuloy na nakapagtatala ang populasyon ng bansa ng mababang percentage ng mga nakababata batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Inihayag ni Popcom executive director Juan Antonio Perez III na ang populasyon ng mga batang pilipinong edad lima ay bumaba sa 10.2% noong 2020 kumpara sa 10.8% noong 2015 at 12.6% noong taong 2000.
Bumaba rin anya sa 30.7% ang bahagi ng populasyon ng mga Pinoy na nasa edad kinse noong 2020 kumpara sa 37% noong taong 2000.
Ipinunto ni Perez na ang datos hinggil sa bumababang bilang ng mga bata simula noong 2015 ay indikasyon na epektibo ang Family Planning Program ng bansa.