Inihirit ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Court of Appeals (CA) na baligtarin ang naging pasya nito noong July 20, 2022 sa kaso ng News and Entertainment Network Corporation’s (Newsnet).
Sa desisyon ng CA, pinaboran ang petition for mandamus na inihain ng Newsnet na naglalayong atasan ang NTC na sundin ang Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) pabor sa Newsnet.
Batay naman sa inihaing Motion for Reconsideration, sinabi ng OSG na hindi na umiiral ang kautusan ng ARTA dahil ang Feb. 12, 2020 order nito ay binawi na sa bagong ARTA order na inilabas na June 17, 2022.
Kung matatanadan, sa panibagong kautusan ng ARTA, isinantabi na ang Feb. 12, 2020 order.
Kaya ayon sa OSG, non-existent na ang February 12 order ng ARTA.
“Following the directives laid down in Secretary of Justice Resolution in OSJ Case No. 01-2020 dated July 9, 2021 which has become final and executory, the said Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval dated February 12, 2020 are hereby set aside,” saad sa bagong ARTA order.
Magugunitang nagpalabas ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) kung saan sinasabing ang ARTA ay walang awtorisasyon na magpalabas ng Declaration of Completeness at hindi rin nito maaaring atasan ang NTC na mag-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC).
Giit ng OSG , ang resolusyon ng DOJ ay naging final and executory, ayon na rin sa deklarasyon ng Office of the President (OP).
“Accordingly, the Resolution of this Office dated 08 February 2022 is hereby declared FINAL and EXECUTORY. Where appropriate, let the records of this case be remanded to the Department of Justice for its proper disposition,” sabi sa order ng OP.
Paliwanag ng OSG, angprangkisa ng Newsnet sa ilalim ng R.A No. 8197 ay napaso na noong August 9, 2021.
Ang kabiguang ma-renew ang prangkisa ng Newsnet, ayon sa OSG, ay nangangahulugan ding nawalan na ng bisa ang kanilang permits at licenses.
Ipinaliwanag ng OSG sa korte na dahil na-expire na ang prangkisa ng kompanya, hindi na rin maaaring aprubahan ng NTC ang aplikasyon nito para sa CPC at sa paggamit ng frequencies.
Nabatid na ang CATV system ng Newsnet ay gumagamit ng Local Multi-Point Distribution System (LMDS), isang wireless service na ginagamitan ng wireless frequency spectrum para maipasa ang signal nito sa mga subscribers.
Sinabi ng OSG na kinakailangan ang legislative franchise bago makapag-isyu ang NTC ng awtorisasyon sa Newsnet upang makagamit ng radio frequencies salig sa Act No. 3846, (Radio Control Act), Section 1.
“No person, firm, company, association or corporation shall construct, install, establish, or operate a radio station within the Philippine Islands without having first obtained a franchise therefor from the Philippine Legislature,” ayon sa batas.
Kaya naman, dahil ang 1997 Provisional Authority (PA) ng Newsnet at 2014 Application nito para sa PA ay wala nang bisa nang mapaso ang kanilang prangkisa, hindi na rin ito maaaring gumamit pa ng frequencies na unang na-assign sa nasabing kompanya.