Wala ng buhay nang matagpuan ang isang binatilyo na 4 na araw ng nawawala.
Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang biktimang si Raniel Reano, disi sais anyos.
Ayon sa QCPD, narekober si Reano sa isang malalim na butas sa construction site sa center island ng EDSA-Bansalangin sa Veterans Village, Quezon City, kahapon.
Dakong alas kwatro ng hapon nang ma-i-ahon si Reano ng special rescue unit ng Bureau of Fire Protection (BFP-SRU) at Metropolitan Manila Development Authority.
Nagpatulong ang BFP-SRU na makuha ang bangkay matapos ipagbigay-alam ng mga magulang ng biktima sa mga opisyal ng barangay Veterans Village ang sinapit ng binatilyo.
Kabilang ang pamilya ni Reano sa mga palaboy na naninirahan sa center island ng EDSA-BANSALANGIN
Inaalam na ng pulisya kung itinulak ang binatilyo sa butas o aksidente itong nahulog.