Ipinanawagan ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na kailangang magpatupad ng mandatory covid-19 vaccination para sa mga guro sa gitna ng lalargang face-to-face classes sa Lunes.
Layunin nitong magkaroon ng wall of immunity sa mga paaralan, lalo’t hindi pa nagwawakas ang covid-19 pandemic.
Ayon kay Solante, kahit malapit na ang pagbabalik-eskwela, marami pa ring mga guro ang hindi pa nagpapabakuna.
Kailangan anyang maging mabuting halimbawa ang mga teacher sa mga estudyante sa pagsunod sa vaccination.
Hinikayat naman ng health expert ang mga guro at estudyante na sumunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay at pagtitiyak na mayroong proper ventilation sa mga silid-aralan.