Isa pang petisyon na tumutol sa implementasyon ng no-contact apprehension (NCAP) ang inihain sa Korte Suprema.
Hiniling ng petitioner na si Atty. Juman Paa sa Supreme Court na ideklarang labag sa batas ang NCAP at ipatigil ang implementasyon ng Ordinance 8676 na ipinasa ng Manila City Council noong 2020.
Alinsunod sa ordinansa, pinapayagan ang Manila Traffic and Parking Bureau na pagmultahin ang mga traffic violator na mahuhuli at makukunan ng traffic cameras.
Kabilang si Paa, na residente ng Maynila, sa mga motoristang pinagmulta ng P20,360 dahil umano sa traffic violation.
Iparerehistro sana ng petitioner ang kanyang s.u.v. sa Quezon City noong Hunyo pero kinailangan muna niyang magbayad ng multa sa Maynila dahil sa apat na traffic violations na obstruction ng pedestrian lane noong Mayo hanggang Hunyo 2021.
Nasa P2,000 ang multa para sa first offense; P3,000 para sa second offense habang tig-P4,000 para sa third at fourth offenses.
Pinatawan din si Paa ng P7,360 na interest at surcharge para sa non-payment pero kanyang nilinaw na wala siyang natanggap na anumang notice ng violations.
Iginiit ng petitioner na hindi siya dapat patawan ng surcharges at iba pang interests dahil nabigo ang MTPB na ipaalam ang kanyang unang violation.
Samantala, napag-alaman ni Paa na napunta sa Taguig City ang notice of violations sa halip na sa kanyang bahay sa Maynila.
Ipinunto ng abogado na nalabag ang kanyang “right to due process” dahil nawalan siya ng pagkakataon na magpaliwanag sa traffic enforcer o tumalima sa 10-day administrative protest na nakasaad sa ordinansa.