Posibleng maging isang super-spreader event ng COVID-19 ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development ng educational cash aid sa mga mahihirap na pamilya.
Ito ang ibinabala ni Health Reform Advocate at Bataan Provincial Health Consultant, Dr. Tony Leachon matapos dumugin ng mga tao ang headquarters ng DSWD sa Quezon City at satellite offices nito sa iba pang bahagi ng bansa, noong Sabado.
Nagresulta pa ito sa gulo at stampede na ikinasugat ng ilang nagpunta para lang makakuha ng financial assistance.
Para maiwasang maulit ang ganitong insidente, iminungkahi ni Leachon na maaari namang gawing alphabetical ang pamamahagi kada pamilya at gawin ito sa highly-ventilated area.
Dapat din anyang i-require mag-facemask ang mga kukuha at abisuhan ang mga magulang kung sana bakunado ang tatanggap ng ayuda.
Bukod dito ay maaari ring magbahay-bahay ang DSWD o sa mga eskwelahan na lang ipamahagi ang cash assistance sa tulong ng DSWD, Departments of Education at Interior and Local Government.