Binuksan na para sa mga motorista ang ilan pang pangunahing kalsada sa Metro Manila partikular na sa Northbound at Southbound Lane ng Ninoy Aquino Avenue malapit sa Imelda Bridge sa Parañaque City.
Matatandaang isinara ang naturang kalsada dahil sa pagpapatuloy ng konstruksyon ng Ninoy Aquino Station ng LRT 1 Cavite Extension Project.
Ayon kay Parañaque City Traffic and Parking Management Office (TPMO) head Rey Murillo, madaraanan na ng mga motorista ang ilang bahagi sa nabanggit na lugar makaraang matapos ang nasabing proyekto.
Nabatid na nagtulong-tulong ang Parañaque TPMO at ang Parañaque Public Information Office o Parañaque-PIO kasama ang iba pang departamento ng lokal na pamahalaan para talakayin ang solusyon upang hindi mahirapan ang mga motorista sa kanilang pagbiyahe dahil sa pagsasara ng nabanggit na kalsada.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng LRT 1 Cavite Extension Project sa taong 2024 kung saan mayroon itong walong station mula Baclaran, Parañaque City hanggang Bacoor, Cavite.