Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na maging ang presyo ng iba pang consumer product ay apektado na rin ng pagtaas ng presyo ng asukal.
Kasunod ito ng ulat hinggil sa tumataas na presyo ng sago’t gulaman at ensaymada sa ilang pamilihan na gumagamit ng asukal sa kanilang paninda.
Sa naganap na Organizational meeting ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, sinabi ni DTI Usec. Ceferino Rodolfo, na kabilang pa sa mga pruduktong gumagamit ng maraming asukal ay ang softdrinks, 3-in-1 coffee, pastry products, at mga fruit juice.
Samantala, ayon naman kay DTI Planning and Management Service director Robert Arceo, ang pagkain at non-alcoholic beverages ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation rate sa bansa o ang pagbilis ng pagtaas ng halaga sa mga pangunahing bilihin sa merkado.
Naniniwala naman ang DTI na malaking tulong sa pagpigil ng inflation rate ang mahigpit na pagpapatupad ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga pangunahing bilihin.