Inihayag ni Budget Undersecretary Rosemarie Canda, na pumalo sa P115.6 Billion ang pinalalaan na pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.
Ayon kay Canda, mas mataas ito kung ikukumpara sa inilaang P107.6 Billion na pondo ngayong taon.
Nilinaw ng Kalihim na mayroong sinusunod na compliance rate ang kanilang ahensya kaya hindi maaaring basta babaan ang pondo para sa 4Ps.
Sinabi ni Canda na tumaas ang inilaang pondo para sa naturang programa, dahil pumalo na sa 97% ang compliance rate ngayong taon at sa kabila narin ng pag-lilinis sa listahan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nakapaloob naman sa Proposed 2023 national budget, ang 39.31% na inilaan para sa Social Services Sector, pangalawa ang Economic Services Sector na sinundan naman ng General Public Services Sector.
Sa ngayon, ang Department of Education pa rin ang ahensyang may pinakamaking pondo; sinundan ng Department of Public Works and Highways; Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation.