Black-eye ang inabot ng dalawang lalaki matapos gulpihin ng ilang residente dahil sa pagtatangka umanong dukutin ang isang batang babae sa Biñan City, Laguna.
Naganap ang insidente sa Barangay Malamig noong Sabado.
Ayon sa Biñan City Police, batay sa salaysay ng menor de edad na babae, papalabas siya ng gate nang sapilitang hilahin ng dalawang lalaki at may isa pa umano na nagsilbing lookout.
Nagsisigaw umano ang bata para humingi ng tulong kaya’t naalerto ang mga magulang nito dahilan upang tumakbo ang mga suspek.
Gayunman, nasakote ng mga residente ang dalawa at kinuyog habang ang isa nilang kasamahan ay nakatakas.
Nahaharap naman sa reklamong Forcible Abduction ang dalawang lalaki.
Samantala, nilinaw ng pulisya na isolated case lamang ang insidente sa kabila ng mga social media post hinggil sa laganap umanong kidnapping.