Handang magbigay ng agarang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 2 na nakararanas ngayon ng matinding pananalasa ng Bagyo Florita.
Ayon kay DSWD secretary Erwin Tulfo, nakatutok ang kanilang ahensya partikular na ang DSWD Regions 1 at 2 maging sa Cordillera Administrative Region (CAR) sakaling lumala pa ang epekto ng bagyo.
Sinabi ni Tulfo, na nagsasagawa na ng clustering ang kanilang regional offices para alalayan ang mga rehiyon na kailangan ng reinforcement.
Nabatid na naglaan ang kanilang ahensya ng P20 million hanggang P25 million para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa bahagi ng Ilocos Region.
Bukod pa dito, nakaantabay narin ang Region 3 para tumulong sa paghahatid ng mga pagkain at iba pang pangangailangan sa mga apektadong lugar kung kinakailangan.
Naka-alerto narin ang kanilang National Response Operation Center Warehouse sa Pasay City para sa pamamahagi ng food packs sa mga rehiyong maaapektuhan ng bagyo.