Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na posibleng mangailangan ang kanilang ahensya ng mas malaking halaga ng pondo kung ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa susunod na taon.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na posibleng pumalo sa P17 billion ang pondo kailan kung iuurong ang BSK Election sa May 2023 habang P18 billion naman kung sa December 2023 naman isasagawa ang halalan para sa Barangay at SK.
Nilinaw ni Garcia na kung i-re-reset ang eleksiyon, posibleng muling buksan ng COMELEC ang registration at inaasahang aabot sa tatlo hanggang limang milyon ang karagdagang magpaparehistro.
Ayon kay Garcia, aabot lang sa P8.5 billion ang magiging pondo at mas makakatipid ang ahensya kung matutuloy ang Barangay at SK Election ngayong December 5, 2022.
Samantala, ikinagulat naman ni Committee chairman Senator Imee Marcos ang pagdoble ng kakailanganing pondo sa Barangay at SK Elections.
Iginiit ng Senadora na hindi na dapat pang i-postpone ang naturang Halalan dahil naipangako na noon, na ito na ang huling pagpapaliban sa botohan.