Asahan na ng mga Public School Teacher na hindi pa nakatatanggap ng 5,000 peso cash allowance mula sa gobyerno na makukuha na nila ito ngayong linggo.
Ito ang tiniyak ng Department of Education, lalo’t matatapos na ang distribusyon sa Metro Manila.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, na-download na nila ang pondo at sinimulan na ang pamamahagi sa pamamagitan ng mga School Division Office.
Target anya nilang maipamahagi ang cash allowance sa lahat ng guro sa buong bansa ngayong linggo.
Una nang inihayag ng Kagawaran na layunin ng cash allowance na tulungan ang mga guro sa paghahanda sa bagong School Year.
Bukod pa ito sa P3.7 Billion na nakalaan para sa mga pampublikong paaralan bilang karagdagang maintenance and other operating expenses.