Arestado sa ikinasang entrapment operation ang dalawang indibidwal matapos magpanggap bilang dalawang matataas na opisyal ng gobyerno para mangikil ng P50,000 kay Senate President Juan Miguel Zubiri para sa isang political convention kapalit ng patuloy nilang pagsuporta kay Zubiri.
Sa pahayag ni Senator Zubiri, agad siyang nagreport sa Philippine National Police (PNP) matapos niyang makumpirma ang isang 43-anyos na lalaki at isang 23-anyos na lalaki na nagpapanggap bilang isang gobernador at isang board member ng lalawigan ng Siquijor.
Kinilala ang mga suspek na sina Brayan Reyes Ledesma at Danilo Guillermo Ledesma.
Napag-alaman na ang kasalukuyan umanong gobernador ng nasabing lalawigan ay si Gov. Jake Vincent Villa na miyembro ng Nationalist People’s Coalition na dati ring Congressman noong taong 2019–2022.
Nakuha mula sa mga suspek ang boodle money na tinatakpan ng isang genuine P1,000 bill, isang caliber .45 pistol na walang serial number, at isang live ammunition.
Bukod sa kasong estafa, nahaharap din sa kasong robbery extortion, usurpation of authority at illegal possession of firearms ang mga suspek.
Samantala, iginiit ni Zubiri na hindi niya palalampasin ang gantiong uri ng panloloko kung saan, nadamay pa umano ang ibang mga opisyal.