Patay ang tatlong katao habang apat ang sugatan dahil sa Bagyong Florita.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang alas-8:00 ng umaga, dalawa ang kumpirmadong nasawi na mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nagmula naman sa Bicol Region ang isa pang namatay at isang sugatan na kasalukuyan pang bineberipika.
Nasa 11,953 pamilya naman o katumbas ng 47,169 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Florita sa limang rehiyon.
Nabatid na lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang naturang bagyo kung saan inalis na rin ng PAGASA ang storm signals sa lahat ng apektadong lugar sa bansa. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)