Handa na nga ang mababang kapulungan ng kongreso para sa pagsisimula ng 2023 National Budget hearing bukas, Biyernes.
Nakatakdang talakayin bukas ang panukalang 5.268-billion pesos na Pambansang Pondo.
Batay sa abisong inilabas ng Kamara, magsisimula ang briefing sa pangunguna ng mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), Budget Secretary Amenah Pangandaman, Finance Secretary Benjamin Diokno, NEDA Secretary Arsenio Balisacan at BSP Gov. Felipe Medalla.
Habang nauna nang tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na magiging transparent ang budget process at sisiguraduhin nitong ang pambansang pondo ay epektibong tutugon sa mga pangangailangan ng taumbayan lalo na sa kalusugan, trabaho at seguridad sa pagkain.
Nabatid na target na maaprubahan ng mababang kapulungan ang panukalang badyet bago October 1 na siyang unang recess ng Kamara na magtatagal hanggang November 6. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)