Naglatag ng solusyon ang Land Transportation Office (LTO) hinggil sa isyu ng pagpapatupad ng no-contact apprehension policy (NCAP) sa National Capital Region (NCR).
Kasunod ito ng mga natatanggap na reklamo ng ahensya mula sa mga motorista sa mahal na singil sa kanilang mga multa na aabot ng dalawa hanggang tatlong libong piso.
Sa pahayag ng ilang mga motorista, hindi sila nakakatanggap ng notice kung saan, nabibigla sila sa mga singil kaugnay sa kanilang violation.
Sa naging pagdinig ng House Committee on Transportation, kabilang sa mga inihaing solusyon ng lto ay ang pagpapababa ng multa para sa mga pampublikong sasakyan sakaling mahuli sa ilalim ng naturang polisiya.
Ayon sa LTO, dapat din na ipa-accredit sa kanilang ahensya ang mga traffic monitoring it provider ng lgus upang maiwasan na malabag ang data privacy ng mga motorista.
Kailangan din na mabigyan ng labing limang araw ang mga motorista ng mahuhuli sa nasabing ordinansa para tutulan ang nasabing paglabag at dapat na idaan ito sa due process bago patawan ng multa.
Bukod pa dito, dapat din na ang sinomang magmamaneho ng sasakyan na lalabag sa polisiya ang siyang magbabayad ng multa at ibaba o iparehas ang multa sa kung magkano ang sinisingil ng mga mmda sa mga violator.