Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon pang sapat na pondo ang kanilang ahensiya para sa mga darating na kalamidad o sakuna sa bansa.
Ito ang inihayag ng DSWD sa harap ng patuloy nilang pag-alalay at pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ng bagyong Florita.
Ayon kay DSWD spokesman Rommel Lopez, sa kasalukuyan ay mayroon pang P1.7-B standby fund at quick response fund ang kanilang ahensya na magagamit sa mga darating na araw.
Samantala, iginiit pa ng tagapagsalita na sakaling maubos ang naturang pondo ay maaari silang humingi sa Department of Budget and Management upang mapalitan ito.
Sa kabuuan ay mayroon na aniyang 7.2 million pesos na naibigay ang DSWD bilang humanitarian assistance sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Florita mula sa Region I, Region II, Region III, CALABARZON, National Capital Region at Cordillera Administrative Region.