Nagpasaklolo na ang Indonesia sa iba pang mga bansa sa Asya para lutasin ang kinahaharap nilang problema sa haze o ang makapal na usok dulot ng forest fire sa nasabing bansa.
Sa kaniyang pagdalo bilang kinatawan ni Indonesian President Joko Widodo sa APEC Summit, sinabi ni Vice President Yusuf Kallah, hiniling nito ang pakikiisa ng lahat ng bansa para mapanumbalik ang nasirang ekta-ektaryang kagubatan.
Sinabi ni Kallah, hindi kakayanin ng kanilang bansang mag-isa sa pagresolba sa problema lalo’t umiiral ang EL Niño phenomenon o matinding tagtuyot.
Kasabay nito, personal na humingi ng paumanhin si Kallah sa mga bansang Malaysia at Singapore na matinding naapektuhan ng haze.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)