Patay ang apat na katao matapos malunod sa Kabilang-bilangan Reef sa Barangay Sicaba, Cadiz, Negros Occidental.
Naging mapait na karanasan ang dapat sanang masayang outing ng magkakapamilya at magkakaibigan matapos malunod sa dagat ang mga biktima.
Unang nahulog sa dagat ang 15 taong gulang na bata dahil sa lakas ng alon.
Sunod namang nalunod ang isa pang biktima na kinilalang si Marlyn Guirre, 33 taong gulang nang tangkain nitong sagipin ang anak.
Ito naman ang nag udyok kay Remymar Ocon, 31 taong gulang at ng 13 taong gulang na bata upang sagipin sina Aguirre at ang anak nito ngunit nauwi rin sa pagkakalunod ng biktima.
Ipinabatid naman ni Chief petty officer Joel Taganile, Head ng Philippine Coast Guard – Cadiz Substation na hindi overloaded ang pumpboat na sinakyan ng mga biktima, kundi ang pagbabago ng daloy ng alon mula high tide at papunta sa low tide na maaaring nakagawa ng malalaking alon.
Dagdag ni Taganile, ipinagbabawal na ang paggamit ng pumpboats sa pagtawid sa dagat dahil sa malalaking alon ngunit mayroon pa ring iilan ang hindi sumusunod sa utos na ipinatupad ng PCG.
Samantala, nakipag-ugnayan na sina Taganile sa mga opisyal para ipaalala sa publiko na iwasan ang paggamit ng maliliit na bangka bilang mode of transportation. —sa panulat ni Hannah Oledan