Nag-alok ng one-time treat na free guided tour ang Intramuros Administration (IA) sa mga turistang bibisita sa makasaysayang Walled City of Intramuros.
Ito ay gaganapin lamang ngayong araw para sa paggunita ng National Heroes’ Day mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa tulong ng Accredited Tour Guides Services Cooperative.
Matatagpuan sa Walled City of Intramuros ang tanyag na Fort Santiago na dating Kuta Militar ng mga Espanyol na nagpakulong sa maraming Pilipino at Amerikano noong panahon ng Kastila at World War II.
Isa si Dr. Jose Rizal, ang Pambansang Bayani ng Pilipinas, sa mga nakulong sa isa sa mga piitan nito.
Hinimok din ng IA, ang publiko na bisitahin din ang San Agustin Church na kilala bilang pinakamatandang Simbahan sa Pilipinas; Manila Cathedral, Casa Manila, Silahis Center, Baluarte Center, at ang Baluarte De San Diego.
Samantala, sinabi ng IA na hindi na kailangang magpareserve kapag pupunta sa Fort Santiago ngunit may entrance fee pa rin na P75.00 para sa mga regular na bisita, P50.00 para sa mga bata, senior citizen, estudyante, at may mga kapansanan, at mga empleyado ng gobyerno. —sa panulat ni Hannah Oledan