Kalaboso ang isang pulis matapos maaktuhang naglalaro sa isang casino sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Maj. Rolando Isidoro, 51-anyos, naka-assign sa personnel holding and accounting section ng PNP-Police Security Protection Group.
Dinakip si Isidoro ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) habang naglalaro ng slot machine ng resorts world manila noong Sabado ng gabi.
Ayon kay imeg director, brig. Gen. Warren De Leon, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng mga ulat mula sa isang concerned citizen na madalas si isidoro sa naturang casino.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa article 231 ng revised penal code, bukod pa sa administrative case dahil sa paglabag sa PNP rules.
Magugunitang naglabas ng memorandum ang pambansang pulisya na nagbabawal sa lahat ng PNP personnel na tumambay o maglaro sa loob ng mga casino.
Ito’y makaraang ituro ang ilang pulis na sangkot umano sa ilang kidnapping incident, maging sa operasyon ng mga loan shark sa casino o nagpapautang sa mga natatalong player.