Pinalagan ng Philippine General Hospital Workers Union ang pagtapyas sa panukalang pondo ng ospital para sa 2023 budget.
Mula sa kasalukuyaang P6.3 billion ngayong taon ay magiging P5.4 billion na lamang sa susunod na taon ang magiging budget ng PGH.
Base ito sa ‘spending plan’ ng gobyerno kung saan kakaltasan ng P890 million na pondo ang nabanggit na pagamutan.
Iginiit ni All Up Workers Union-Manila-PGH President Karen Faurillo na hindi katanggap-tanggap at nakababahala ang pagtapyas sa budget dahil maaapektuhan ng kanilang pondo ang ibinibigay nilang serbisyo sa mga pasyente.
Mas higit anyang kailangan ng PGH ng pondo habang nagta-transition ang bansa sa ‘new normal’ dahil sa pagiging pinakamalaking ‘covid-19 referral facility’ nito.
binigyang-diin ni Faurillo na sa katunayan ay mas kailangan pa ng PGH ng dagdag na P10-bilyong pondo nang tumama ang pandemya para sa mag–upgrade ng mga pasilidad, kagamitan at iba pang resources.