Ipinanawagan ni Sen. Christopher “Bong” Go, pinuno ng Senate Committee on Health and Demography, ang patuloy na pagpapalakas ng bayanihan upang mas mabilis na makarekober ang bansa mula sa pandemya.
Kasabay ng relief operations para sa mga senior citizen sa Barangay 20, 58, at 103 sa Caloocan City, hinimok ni Go ang 400 benepisyaryo na maging mapagbantay at disiplinado sa kabila nang unti-unting pagluluwag ng COVID-19 restrictions.
Sa isang video message, hinikayat din ng senador ang mga wala pang bakuna na makiisa sa national vaccination program, sa pagsasabing, “Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay. Huwag ho kayong matakot sa bakuna, matakot ho kayo sa COVID-19.”
“Nakikiusap din po ako sa mga local government units, sa ating national government, magtulungan po tayo. Kung kailangan po, suyurin natin ‘yung mga senior citizens at PWDs para po protektado sila,” ayon kay Go.
Bukod dito, namahagi rin ang team ng senador ng mga face masks sa barangay hall ng Brgy. 22 habang may ilang piling indibidwal ang nabigyan ng mga bagong pares ng sapatos, computer tablets at bisikleta.
Samantala, nagbigay din ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWSD) ng financial assistance sa mga residente.
“Alam ko pong mahirap ang panahon ngayon, nasa krisis tayo dulot ng COVID-19. Magtulungan lang tayo, magbayanihan ho tayo at magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino,” sabi ni Go.
Nanawagan din si Go sa mga benepisyaryo na i-avail ang mga serbisyo ng Malasakit Centers sakaling kailangan nila ng medical assistance.
“Nung mayor pa si (dating) pangulong Duterte, marami po ang lumalapit sa kanya sa (Davao) city hall na nanggagaling pa as far as General Santos, Zamboanga, o Surigao para humingi ng tulong sa kanilang pampa-ospital. Sabi ng Commission on Audit, hindi daw pwede gamitin ang pera ng Davao City dahil hindi sila residente,” pagbabahagi ni Go.
“Kaya doon ko nakita ‘yung puso ni (dating) pangulong Duterte sa mga mahihirap. Dahil hindi n’ya po matiis na tanggihan itong mga pasyenteng ito, dahil para sa kanya, Pilipino rin po ang mga ito… sabi niya — hanapan mo ng paraan ‘yan. Hindi na ako uupo dito sa city hall kung hindi ko sila matulungan. Doon ho nag-umpisa ‘yung konseptong Malasakit Center,”
“Sabi ko, bakit ba natin pinapahirapan ang mga kababayan natin? Hirap na nga sila at may sakit, pinapahirapan pa. Sa totoo lang, pera naman ng lahat ‘yan. Dapat ibalik ng gobyerno ito sa mga Pilipino sa pamamagitan ng maayos, maaasahan at mabilis na serbisyo,” dagdag pa niya.
Upang matugunan ito, sa unang anim na buwan ni Go bilang senador, ay pinangunahan nito ang pag-akda sa Republic Act No. 11463, o mas kilala sa Malasakit Centers Act of 2019.
“Nasa loob na po ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno — PhilHealth, PCSO, DOH, at DSWD na handang tumulong po sa inyong maging zero-balance ang bill ninyo. Para po sa Pilipino ang Malasakit Center, sa poor and indigent patients po,” pahayag ng mambabatas.
“Hindi n’yo na kailangan pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Nasa isang kwarto sa loob ng ospital na po. Lapitan niyo lang, inyo po iyan. Ang Malasakit Center ay para sa mga poor at indigent patients,” saad pa niya.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay pinuri ni Go ang pagsasabatas ng panukalang nagtataas ng social pension ng mahihirap na senior citizens.
“Isa sa mga malubhang tinamaan ng pandemya ay ang ating mga senior citizens. Alam naman po natin na sila ay isa sa mga high risk sa COVID-19 at sa iba pa pong sakit. Kaya itong pagtaas ng kanilang pensyon ay, kahit na anumang halaga, sigurado akong malaking tulong na ito sa kanila,” pagbibigay diin ni Go na siya ring co-author ng panukalang batas na nag-lapse into law noong Hulyo 30.
“Nasa kultura na rin po ng Pilipino na alagaan natin ang mga nakakatanda, kaya naman nakakatuwa po na naisabatas na po ang pagbibigay ng dagdag na pensyon sa ating mga senior citizens,” wika pa ni Go.
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11916, inamyendahan ang RA 7432 para itaas ang monthly pension ng senior citizens sa P1,000 mula sa P500 upang madagdagan ang pambili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at mga gamot.