Inihayag ni dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr. na may ilang mga grupo ang nagpaplanong maghain ng kaso laban sa mga umano’y nagpapakalat ng “fake news.”
Matatandaan na usap-usapan sa social media ang naging courtesy call ni dating Vice President Leni Robredo kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo noong Agosto 26 pero pinabulaanan agad ito ni VP Leni.
Sa inilabas na ‘Resibo’ ng Executive Director ng ‘Angat Buhay’ na si Raffy Magno, kanilang nilinaw ang umano’y fake news tungkol sa pagbisita ni dating Vice President at Angat Buhay Chairperson Leni Robredo sa DSWD kamakailan.
Sinabi ni Magno na mayroon silang sulat na nagre-request para magkaroon umano sila ng meeting kasama si DSWD Secretary Erwin Tulfo pero imposible umano ang biglaang meeting maging ang mga walk-ins sa naturang tanggapan.
Sa kabila nito, muling idiniin ni Baguilat na mayroong grupo na nag-uusap para maghain ng kaso laban sa mga umano’y nagpapakalat ng fake news pero hindi naman nilinaw kung ano at kung sino ang grupo na nais umanong magsampa ng kaso.