Nareskyu ang dalawang menor de edad habang naaresto naman ang dalawang suspek sa isang bar sa Brgy. Appas, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Maribeth Rizal Tagatag, 35-anyos, at Ber Angnganay Wandagan, 25-anyos na parehong inaresto matapos ang personal na paghingi ng tulong ng ina ng isang 15-anyos na biktima na nawawala noon pang Hunyo 31.
Base sa impormasyong nakuha ng mga otoridad, nito lamang Agosto 27, nakatanggap siya ng tawag sa anak kung saan, ipinaalam nito ang tungkol sa kanyang kalagayan at lokasyon.
Ayon sa mga biktima, ni-recruit umano sila ng suspek na si Tagatag para magtrabaho sa catering services pero nagulat na lamang sila nang malaman nilang magtatrabaho sila bilang mga bar attendant kung saan, sangkot din umano sila sa mga sekswal na aktibidad.
Bukod pa dito, pinilit din silang gumamit ng ilegal na droga na nag-udyok sa 15-anyos na babae para ipaalam ito sa kanyang ina dahilan para agad rumesponde ang mga otoridad.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 na inamyendahan ng RA 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.