Sinimulan na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon hinggil sa umano’y pamemeke ng pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presidential seal sa appointment paper ni Attorney Abraham Espejo Jr. Bilang Commissioner ng Bureau of Immigration.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ito ang kinumpirma sa kaniya ni Justice Secretary Boying Remulla na sinisilip na ng mga otoridad ang mga paraan at dokumentong ginamit sa pamemeke.
Nabatid na posibleng mahatulan ng reclusion temporal o katumbas ng 12 hanggang 20 pagkakakulong ang mga nasa likod ng insidente.
Samantala, sinabi naman ni Philippine National Police Chief Rodolfo Azurin Jr., na mayroon nang ‘breakthrough’ sa kanilang imbestigasyon at natukoy na kung sino ang nag-post ng naturang BI Commissioner appointment.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nasabing usapin.