Nagpaliwanag naman ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) bilang tugon sa panawagan ni Governor Eduardo Gadiano na aksyunan ang perwisyong dulot ng kakulangan ng supply ng kuryente.
Ayon kay OMCPC president Calvin Genotiva, hindi sila makapag-o-operate nang maayos kung hindi sila babayaran ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO).
Aabot anya sa P258 million ang dapat nilang kolektahin mula sa OMECO na bahagi ng ipinataw na penalty ng Energy Regulatory Commission sa OMECO kaugnay ng pagka-antala ng Competitive Selection Process (CSP).
Ang CSP ay subsidiyang binabayaran ng National Power Corporation at bahagi ng buong universal charge on missionary electrification, pero pinasagot ng ERC sa OMECO ang 50% ng bayarin.
Sa pinakahuling power update ng OMECO, kulang na kulang umano sila sa supply ng krudo at nakikipag-tulungan na sa OMCPC para mapabilis ang proseso ng pagbiyahe ng fuel supply.
Dumating na sa Mindoro ang tatlong fuel truck ng OMCPC mula sa Batangas Port.
Magugunitang nawalan muli ng kuryente ang ilang bahagi ng mga Bayan ng San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan noong Huwebes pero naibalik din matapos magpaandar ng 20 megawatt unit ang OMCPC.
Gayunman, pansamantala lamang ito dahil 20,000 liters lamang ng krudo ang nabili ng OMCPC kaya’t nitong sabado ay muling nag-shutdown ang planta sa Pulang Lupa, Central maging sa Tayamaan, Mamburao.